MANILA, Philippines - Mariing pinoprotesta ng Pilipinas ang ginawang pagbomba ng water cannon ng Chinese troops sa mga Pinoy na nangingisda sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, ipinatawag na nila kahapon ang Chargé d’Affaires ng Embahada ng China sa Manila upang iprotesta ang ginawang pagtaboy ng mga Chinese vessels sa mga nagigipit na mangingisdang Pinoy sa kasagsagan ng masungit na panahon sa Bajo de Masinloc.
Pinagpapaliwanag ng Pilipinas ang China sa insidente at binigyang-diin ng pamahalaan na ang Bajo de Masinloc ay nasa hurisdiksyon ng Pilipinas kung saan malaya at may karapatang makapaglayag at makapangisda ang mga Pinoy sa naturang lugar.
Mariin ding kinonkondena at ipinoprotesta ng pamahalaan ang ginawang harassment ng Chinese Coast Guard na gumamit pa ng water cannon sa pagtaboy sa mga bangkang pangisda at mangingisdang Pinoy na naghahanap ng ligtas na lugar upang makublihan sa masungit na lagay ng panahon sa WPS.
Sa natanggap na impormasyon ng DFA, dalawa mula sa 14 bangkang pangisda ng mga Pinoy fishermen ang nakaranas ng panggigipit ng isang barko ng China Coast Guard (CCG) na may Bow Number 3063 noong Enero 27, 2014 sa Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Hernandez na may 30-40 yarda lamang ang layo ng dalawang bangkang pangisda mula sa shoal nang businahan sila ng barko ng CCG at bombahin ng water cannon. Namataan din ang dalawa pang Chinese vessels sa lugar sa oras ng nasabing insidente.
Nabatid na tuluy-tuloy ang ginawang pagbusina at pagbomba ng nasabing Chinese vessel ng kanyon ng tubig sa mga mangingisda ng maraming minuto.
Nakatanggap din ng ulat ang DFA na may 9 pang kahalintulad na insidente ng pangha-harass ang ginawa ng Chinese civilian maritime law enforcement agency vessels sa mga mangingisdang Pinoy ng nakalipas na taon kahit na sa kasagsagan ng masungit na panahon tulad ng bagyo kung saan naghahanap ng masisilungan ang mga mangingisda ang puwersahang itinaboy sa lugar.
Inihayag naman ng China na sa kanila ang nasabing teritoryo na bahagi ng binabantayan ng kanilang tropa.