1 month suspension sa labor official sa sex-for-flight, hindi sapat - Villar

MANILA, Philippines - Hindi kuntento si Senator Cynthia Villar sa isang buwang suspensiyon na ipinataw kay  Department of Labor and Employment (DOLE) attaché Adam Musa, na iniimbestigahan ng Senado sa isyu ng sex-for-flight sa ginawang pag cover-up sa frustrated rape attempt sa isang OFW sa Saudi Arabia.

Ayon kay Villar, magbibigay ng maling senyales ang isang buwang suspensiyon na ipinataw ng DOLE kay Musa.

Hindi na umano maaari pang pagkatiwalaan si Musa matapos nitong kunsintihin ang ginawa ng kanyang dating driver na si Jose Casicas sa Pinay na si Grace Sales.

“How can Labor Attache Adam Musa still be credible as a guardian of our OFWs when he failed to investigate an incident of frustrated rape that happened in his very own office?” ani Villar.

Matatandaan na humarap sa pagdinig sa Senado si Sales, isang runaway maid  na pansamantalang tumuloy sa Bahay Kalinga shelter sa Al-Khobar, Saudi Arabia kung saan pinatunayan nito na tinangka siyang halayin ni Casicas at mistulang nakipagkutsabahan pa umano si Musa para maayos ang kaso sa pamamagitan ng pagbabayad ng SR10,000.

Sa desisyon na nilagdaan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz noong Enero 30, 2014, isinantabi ng kagawaran ang rekomendasyon ng investigative team na si Musa, dating nakatalaga sa Al-Khobar, Saudi Arabia ay mapatawan ng parusa dahil sa “gross neglect of duty” dahil sa kawalan ng aksyon sa reklamong sexual harrasment, molestation at attempted rape ni Sales laban kay Casicas  noong 2012.

Bagkus, nagdesisyon umano ang tanggapan ni Baldoz na patawan lamang ng isang buwang suspensyon ng walang sahod si Musa matapos na ikonsidera ang kanyang 25 taon sa serbisyo at umano’y unang pagkakamali lamang ng opisyal.

Nagreklamo ang nasabing OFW kay Musa noong Agosto 2012 laban sa kanyang driver subalit ni-report lamang ng una sa Embahada at sa kanyang tanggapan noong Oktubre. Nabigo rin ang opisyal na agad na irekomendang sibakin ang kanyang driver at palayasin sa Bahay Kalinga na binabahayan ng mga tumatakas o nagigipit na OFWs kung saan may kuwarto umano ang nasabing driver. (Malou Escudero/Ellen Fernando)

 

Show comments