MANILA, Philippines - Nakaladkad din ang pangalan ng dating partylist representative at kasalukuyang TESDA chief Joel Villanueva sa usapin ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam.
Ito’y matapos na ilahad sa sworn affidavit ni Technology Resource Center director general Dennis Cunanan na kasama rin umano si Villanueva sa mga mambabatas na nag-endorso ng non-government organization na konektado kay Janet Lim Napoles para paglaanan ng bahagi ng kanyang pork barrel fund nuong siya ay nanunungkulan pa bilang kinatawan ng Cibac partylist.
Sinabi ni Justice Sec. Leila de Lima, pinangalanan ni Cunanan si Villanueva sa kanyang 36-pahinang sworn affidavit.
Idinaan umano ni Villanueva sa TRC ang pagpapatupad ng bahagi ng kanyang PDAF at ito ay inilaan sa NGO na kunektado kay Napoles.
Kaugnay nito, sinabi ni de Lima na kasama si Villanueva sa mga iniimbestigahan ng NBI kaugnay sa pork barrel scam.
Una nang lumutang sa mga ulat batay sa mga dokumento na hawak ng mga whistleblower na nuong Nobyembre 2007, may nailabas na P1.3 million at P3 million mula sa PDAF ni Villanueva patungo sa TRC at ito ay napunta sa mga NGO na kunektado kay Napoles.
Nabanggit din ang pangalan ni Villanueva sa COA Special Report na may transaksyon sa mga kuwestiyonableng NGO.