PNoy magdiriwang ng EDSA day kasama ang mga biktima ng kalamidad
MANILA, Philippines – Imbis sa palasyo, gugunitain ni Pangulong Benigno Aquino III ang ika-28 anibersaryo ng People Power Revolution kasama ang mga biktima ng mga nagdaang kalamidad, ayon sa Malacañang ngayong Huwebes.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na nais makahalubilo ng Pangulo ang mga biktima ng sunod-sunod na kalamidad, partikular ang mga nasalanta ng pinakamalakas na bagyo sa kasasayan ng Pilipinas, ang bagyong Yolanda.
"He wants to be one with the people especially those who are affected by the natural calamities," wika ni Lacierda. "He wants to spend time with the people."
Sinabi ng EDSA People Power Commission (EPPC) na magkakaroon ng mga pulong-bayan sa iba’t ibang bayan na sinalanta ng mga kalamidad.
Dagdag nila na kailangang ipakita ang tema ng pagdiriwang ngayong taon na: "Kapit-bisig Tungo sa Pagbangon."
Nitong weekend ay sinabi ng Malacañang na ipagpapaliban muna ang pagdiriwang sa EDSA upang hindi na lalong makadagdag sa sikip ng daloy ng trapiko dahil sa mga ginagawang proyekto.
Inaasahang titindi pa ang bigat ng trapiko sa Metro Manila dahil sa 15 proyektong gagawin kabilang ang Skyway 3 na magdurugtong sa North at South Luzon Expressway.
- Latest