MANILA, Philippines – Hinala ng isang mambabatas na suportado ni Pangulong Benigno Aquino III ang isinusulong na Charter Change sa Kongreso.
Naniniwala si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi gagalaw ang panukalang pagbabago sa konstitusyon kung walang basbas ng Pangulo.
"You know the members of Congress. You know the Lower House… you know the majority here. Gagalaw ba yan kung walang basbas ng Malacañang?" wika ni Colmenares kahapon.
Dagdag niya na taktika lamang ni Aquino ang pagsasabing kontra siya sa paggalaw ng 1987 Constitution dahil ayaw ng Pangulo na ulanin siya ng batikos.
"Alam ni President Aquino the moment he says the same thing that Gloria Arroyo said before... 'I support charter change' papasok ang issue ng term extension. So, safe sa president na sabihin... 'ah hindi ko sinusuportahan yan' para hindi pumasok ang isyu (term extension) na 'yun," dagdag ng mambabatas.
Nitong kamakalawa ay sinabi na ng Palasyo na walang balak si Aquino na pahabain ang kanyang termino.
"Siya na mismo ang nagbibilang kung ilang araw pa ang nalalabi at ilang ulit na niyang ipinahayag na inaasahan niyang dumating ‘yung katanghalian, ano, 12 noon of 30 June 2016," pahayag ni Presidential Communications Operations Office Sec. Herminio Coloma Jr.
Ang kaalyado at House Speaker na si Feliciano Belmonte ang principal author ng Resolution No. 1 na naglalayon baguhin ang economic provision ng Saligang Batas.
Nais ni Belmonte na hayaan ang mga dayuhan na tuluyang buksan sa mga dayuhan ang pagmamay-ari ng lupa at negosyo na nakikita niyang magreresulta sap ag-usbong lalo ng ekonomiya.
Ngunit kontra dito ang Pangulo.
"I don't think they (economic provisions) are...detriments to getting foreign investments in this country," banggit ni Aquino noong Mayo 2013.