Lider ng NPA rebs, arestado

MANILA, Philippines - Kalaboso ang itinuturing na lider ng mga rebeldeng New People’s Army na sangkot sa kasong murder at robbery-in-band sa isina­gawang operasyon ng pulisya at militar sa Barangay Lopez, Silay City, Negros Occi­dental kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Victor Tapang  isa sa mga opisyal ng Taxation Bureau ng NPA’s  Komiteng Rehiyonal –Negros at ex-kumander ng Sentro de Grabidad Platoon codename Cherry Mobile ng Northern Negros Front.

Sa ulat ni P/Supt. Jacob Crisostomo, hepe ng Silay City PNP, nagmomotorsiklo si Tapang nang masakote sa Hacienda Imbang bandang alas-4 ng hapon pero nakatakas ang angkas nitong si Lorenzo “Ka Tisoy” Perolino.

Sa pahayag ng Army’s regional spokesman na si Major Ray Tiongson, si Tapang ay nakumpiskahan ng cal. 45 pistol na may anim na bala at dalawang rifle grenades mula sa compartment ng motorsiklo nito.

Si Tapang ay nahaharap sa kasong murder sa pagpatay  sa dalawang sibilyan sa Sitio Toril, Brgy. Salamanca, bayan ng Toboso noong Hulyo 13, 2009.

Nabatid  pa na kaga­galing lamang ni Tapang sa pakikipagpulong kina Bayan-Negros Chairman Christian Tuayon at Kara­patan-Negros Secretary General Clarissa Singson sa bahay ni Silay Councilor Joedith Gallego nang masakote.

 

Show comments