MANILA, Philippines – Inabisuhan ng isang Obispo ngayong Lunes ang mga hukom sa Korte Suprema na pag-aralang maigi ang desisyon sa kontrobersyal na Reproductive Health Law at huwag magmadali.
Sinabi ni Tagbilaran bishop Leonardo Medroso na huwag dapat magpaapekto ang mataas na hukuman kina House Speaker Feliciano Belmonte at Senate President Franklin Drilon sa paglalabas ng desisyon sa RH Law.
"That cannot be hurried up. They have their own time frame especially para sa atin very-very important RH law na they hurry it up. It can be requested, but they can never demand," wika ni Leonardo sa isang panayam sa radyo.
Aniya hindi dapat minamadali ng Kamara at Senado ang desisyon ng Korte Suprema sa paglalabas ng desisyon kung naaayon ba sa Saligang Batas ang RH Law.
Aniya hiwalay na sangay ng gobyero ang mataas na hukuman kaya naman dapat ay hindi ito magpaapekto sa Kongreso.
Sa ngayon ay may 15 petisyon na ang kumukuwestiyon sa legalidad ng naturang batas.
Isinabatas ni Pangulong Benigno Aquino III ang naturang batas noong Disymebre 2012 ngunit naglabas ang Korte Suprema ng indefinite temporary restraining order.