Tuason maraming hindi naisiwalat sa Senado

Si Ruby Tuason ang pinakabagong testitgo sa umano'y maanomalyang paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas. File photo

MANILA, Philippines – Marami pang kayang isiwalat ang ‘provisional’ state witness na si Ruby Tuason tungkol sa bilyung-bilyong pork barrel scam, ayon sa isang abogado ngayong Lunes.

Sinabi ng abogado ni whistleblower Benhur Luy na si Levito Baligod na maraming hindi nasabi si Tuason nang humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes.

"Naniniwala ako na marami pang alam si Ginang Tuason na hindi lang niya naibabahagi sa 'tin dahil hindi naman siya tinatanong," wika ni Baligod sa isang panayam sa radio.

Dagdag ng abogado na nakulangan siya sa mga tanong ng mga senador kay Tuason kaya hindi ito lumitaw.

Aniya mas marami pang ikinuwento si Tuason nang makipagpulong sakanya at sa iba pang testigo kabilang ang prime witness na si Luy.

"May mga tinatanong ako na nasasagot niya at nagbibigay siya ng detalye.”

Samantala, pinabulaanan ni Baligod ang sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na lumutang si Tuason upang linisin ang pangalan ni Senador Juan Ponce Enrile.

Naniniwala ang abogado na kayang idiin ni Tuason si Enrile at ang iba pang mga sangkot sa umano’y pang-aabuso sa Priority Development Assistance Fund.

Aniya, ikinuwento sa kanya ni Tuason ang pakikipagpulong kay Enrile at sa assistant ng senador na si to Jessica "Gigi" Reyes.

"Sa aking personal na pakikipag-usap [with Tuason] at pagkakainintindi ko sa kanyang affidavit, matibay naman po ang kanyang sinabi," banggit ng abogado.

 

Show comments