Butanding umaakit ng mga turista

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines   - Dinadagsa nga­yon ng mga banyagagn turista na naaakit sa pagkakataong ito upang makipaglaro sa mga whale sharks (butanding) na nananatili sa tubig ng Albay Gulf malapit sa pantalan sa Legazpi City, Albay.

Ang bayan ng Donsol sa karatig ng Sorsogon ang matagal nang kilalang “Butan­ding Interaction Capital” ng bansa kung saan maaari na ring makipag­laro sa mga butanding sa Legazpi City. 

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, may ugnayan na sila at ng Legazpi City government sa Provincial Office ng Albay Eco-nautical Tourism upang makatulong sa anumang proseso upang mapangalagaan ang ecological integrity at pang-turismong gawain para sa lokal na ekonomiya.

Ipinaliwanag ni Salceda na ang pananatili ng mga butanding sa bayan ng Donsol at Lagazpi City ay nagpapasulong sa Almasor Tourism Alliance na binubuo ng Albay, Masbate at Sorsogon na binuo niya noong 2013 bilang chairman ng Bicol Regional Development Council.

Nauna nang sinabi ni Salceda na “50%” ng pang-ekonomiyang gawain sa Donsol, Sorsogon ay malamang malipat sa Albay dahil magkaniig lamang ang dalawang lalawigan kung saan pinagpi­pistahan ng mga banyagang turista ang Mayon Volcano at Cagsawa Ruins.

Sinabi rin niyang bagama’t bihirang makita ang mga butanding sa Donsol, dinudumog pa rin ito ng mga turista dahil sa magagandang tanawin at mga pasilidad na mauupahan sa mababang halaga.

Marami rin dito ang naniniwalang ang pag­lalagi ng mga butan­ding sa tabing dagat ng Albay ay gantimpala ng langit sa lalawigan dahil sa maka­taong pagdamay at pagtulong nito sa mga sinasalanta ng mga kalamidad sa ibang bahagi ng bansa kung kaya tumitibay ang bansag sa Albay bilang “Kindness Capital” ng Pilipinas.

 

Show comments