Florida magbabayad

MANILA, Philippines - Handa nang magbayad ng danyos ang G.V. Florida Transport, Inc. sa mga biktima kaugnay ng aksidenteng naganap noong Pebrero 7 sa Bontoc, Mountain Province. 

Ito ang nakasaad sa isang pahayag na direktang ipinadala ng kumpanya sa Pilipino Star NGAYON.

Tiniyak ng pangasiwaan ng kumpanya na babayaran nito ang anumang gastusin ng mga biktima kaugnay sa aksidenteng naganap noong Pebrero 7.

Sinabi ng pangulo ng G.V. Florida na si Virgilio Florida Jr. na nakikiramay sila sa mga naiwang pamilya ng 14 kataong nasawi sa aksidente at iba pang mga sugatan nang ang bus na patungong Sagada ay nahulog sa isang bangin sa Barangay Talubin sa Bontoc.

Idinagdag pa ni Florida na agad silang nakipag-ugnayan at tumulong sa mga pamilya ng mga biktima na salungat sa mga naunang ulat na nagpahiwatig na walang tulong na dumating sa mga pasahero. “Ilang oras matapos maganap ang aksidente, ang aming mga tauhan sa Bontoc ay nagtungo agad sa lugar ng pinangyarihan upang tumulong sa pagsagip at agarang pagsakay ng mga biktima para sa mga kinakailangan nilang serbisyo,” paglilinaw niya.

Bagaman hindi na inilahad kung magkano na ang nagastos ng kompanya, sinabi ni Florida na naglabas na sila ng pondo upang ipambayad sa mga gastusin para sa ospital at palibing sa karamihan ng mga biktima. Tiniyak niya na patuloy ang kanyang kumpanya sa pagkikipag-ugnayan sa mga hindi pa nababayaran at nangakong tutuparin ang mga tungkuling moral at pinansiyal sa mga pamilya na biktima ng sakuna.

“Bagaman nagsasagawa na kami ng sariling pagsisiyasat tungkol sa kaganapang ito, nakahanda kaming irespeto ang anumang desisyon at regulasyon na ipatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa insidente,” sabi ni Florida. “Ito’y naaayon sa corporate credo ng GV Florida gabay ang palagiang kaligtasan ng aming mga pasahero.”

Ayon pa rin sa opisyal na pahayag ng G.V. Florida, nagtalaga sila mga sumusunod na kawani para mapadali ang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya – Baguio - Mr. Rey Luis (09328555072); Bontoc - Mr. Norberto Cue (09995157125); Manila - Ms. Flora Caldito (09178584286).

Show comments