‘Di lahat puwedeng state witness - M’cañang

MANILA, Philippines - Sa gitna ng ulat na nagpapadala na rin ng “feelers” ang dating aktor na si Mat Ranillo III upang maging testigo sa P10 bilyong pork barrel scam, iginiit kahapon ng Malacañang na hindi naman maaring gawing state witness ang lahat ng mga gustong tumestigo laban sa mga personalidad na sangkot sa scam kabilang na ang ilang senador.

Ayon kay Deputy Pre­sidential spokesperson Abigail Valte, may pro­sesong sinusunod upang maging state witness ang isang gustong tumestigo.

Sinabi ni Valte na mis­mong si Pangulong Aquino ang nanawagan ilang buwan na ang nakakaraan na dapat lumutang at magbigay ng pahayag ang mga may nalalaman sa pork barrel scam kung saan inilagay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang mambabatas sa mga pekeng non-government organizations ni Janet Lim Napoles.

Pero ipinunto ni Valte na dadaan sa evaluation o pagsusuri ng Department of Justice ang testimonyang ipagkakaloob lalo pa’t hindi puwedeng maging state witness ang lahat.

Dahil sa dumaraming bilang ng mga gustong maging state witness, tiniyak naman ng Malacañang na nagkaroon na ng “improvement” sa witness protection program” ng gobyerno.

Matatandaan na na­banggit ang pangalan ni Ranillo sa pinakahuling pagdinig ng Senate Bue Ribbon Committee kung saan sinasabing naging “middle man” din ito sa pagitan ng isang senador at ni Janet Lim Napoles.

Nakatakdang paharapin ng komite si Ranillo sa susunod na hearing.

 

Show comments