Crisis alert sa Yemen ibinaba

MANILA, Philippines - Dahil sa paghupa ng tensyon sa Yemen, inanunsyo kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanilang ibinaba ang crisis alert level doon.

Ayon sa DFA, matapos ang rekomendasyon ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na siyang nakakasakop sa Yemen, iniutos ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na ibaba ang alert level para sa mga Pinoy mula level 3 (voluntary repatriation) sa level 2 (restriction phase).

Gumaganda na uma­no ang sitwasyong seguridad at pulitikal sa Yemen na siyang dahilan ng kanilang rekomendasyon.

Sa ilalim ng alert level 2, ang mga Pinoy na may labor contracts ay maaari nang bumalik sa Yemen, habang ang pagpapadala ng mga newly-hired OFWs ay mananatiling suspindido.

Ang lahat ng Pinoy sa Yemen ay pinapayuhan na iwasan ang paggala-gala at huwag magtutungo sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga sentro ng pinagdadausan ng anumang pagkilos o protesta.

Show comments