MANILA, Philippines - Isang agarang inspeksyon sa lahat ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ang giit ng isang kongresista para maiwasan na ang isa pang madugong aksidente tulad ng pagkahulog sa bangin ng isang Florida bus sa Mountain Province.
Inihayag ni ABAKADA Rep. Jonathan de la Cruz na isusulong niya ang isang imbestigasyon ng Kongreso sa kalagayan at mga sistema ng industriya ng transportasyon hindi lang ng panglupang transportasyon kundi pati na pang-dagat at panghimpapawid.
Hiningan ni de la Cruz ng paliwanag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensiya ng gobyerno na may responsibilidad sa industriya ng transportasyon kung ano na ang nagawa nila at ginagawa nila, upang lalong mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero.
“Huwag nating kalimutan na ilang buwan pa lamang ang nakakaraan nang mahulog ang isang Don Mariano bus mula sa Skyway na ikinamatay naman ng mahigit 20 katao,†puna ng kongresista.
Una sa lahat, anang kongresista, kailangang maglabas ng listahan ang LTFRB ng mga kumpanyang binigyan nito ng prangkisa ng naaayon lamang sa per route, per area basis.
Kailangang ipahayag din ng LTFRB sa publiko kung anu-anong mga kumpanya ng transportasyon ang napatunayan na nilang hindi ligtas bumiyahe o kaya ay may kritikal na kakulangan sa mga gamit o pasilidad para sa kaligtasan ng mga pasahero.