Mga plaka ng Florida bus binaklas na ng LTFRB

MANILA, Philippines - Sinimulan nang baklasin at kumpiskahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang plaka ng mga unit ng bus ng GV Florida, matapos ang aksidenteng naganap sa isang bus nito noong nakaraang Biyernes na ikinasawi ng komedyanteng si Tado at 13 iba pa.

Ang pagkumpiska sa mga plaka ay personal na pinamunuan ni LTFRB Chair Winston Ginez sa terminal ng bus sa Sampaloc, Maynila.

Bukod sa mga plaka, sisimulan na rin ng grupo ang pag-tsek sa mga chassis at makina ng 27 unit ng bus ng Florida mula sa kabuuang 208 units dahil ang iba’y nasa mga terminal sa probinsya.

Ito anya ay upang matukoy kung nakarehistro ang mga ito sa kanilang tanggapan at sa Land Transportation Office.

Nauna nang pinunta­han ng grupo ang terminal ng kumpanya sa Kamu­ning at Cubao, Quezon City bago ang sa Sampaloc sa Manila.

Matapos ang pagsisiyasat, dadalhin ang mga bus sa tanggapan ng LTO para isalang naman sa road worthiness test habang isasailalim naman ang mga drayber sa drug test at seminar.

Sabi pa ni Ginez, sisikapin nilang madesisyunan ang kaso ng Florida bus bago matapos ang 30-araw na preventive suspension dito.

Nakatutok ang pagsisiyasat ng LTFRB sa umano’y pagiging kolorum ng naturang bus na nahulog sa bangin sa Bontoc dahil nakapangalan ito sa Mt. Province Cable Tours.

Samantala, inamin naman ni Atty. Alexander Versoza, legal counsel ng Florida bus, na ang nahulog na bus ay pagmamay-ari ng Mt. Province Cable Tours ni Norberto Que Sr. 

Pero nabili na anya ito ng Florida bus at nasa proseso pa ng pagsasalin ng prangkisa sa LTFRB.

Gayunman, inamin ni Versoza na labag sa batas ang pagbiyahe nito, suba­lit dahil kailangan anyang serbisyuhan ang mga pasahero at mga turista ay pinabiyahe ang mga at kung hindi ito gagawin, sila naman ang makakasuhan ng abandonment.

Tiniyak pa ng abogado na may tulong na ibinibigay ang kompanya ng Florida sa mga nabiktima ng nasabing trahedya.

 

Show comments