Sundalo may dagdag benepisyo
MANILA, Philippines - Siniguro ni Pangulong Aquino ang karagdagang benepisyo sa mga sundalo sa ginanap na turnover ceremony sa Philippine Army kahapon sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sinabi ng Pangulo na lalong isusulong ng kanyang administrasyon ang iba pang mga benepisyo ng mga sundalo gayundin ang pabahay at health benefits ng mga ito.
Itinalaga naman ng Pangulo si Maj. Gen. Hernando Iriberri bilang bagong PA chief kapalit ng nagretirong si Gen. Noel Coballes.
Si Iriberri ay mula sa PMA Class 1983 at nilagpasan ang dalawa nitong Senior officers na sina Lt. Gen Gregorio Catapang, ang commander ng Northern Luzon Command at si Central Visayas-commander Major Gen. Jon Bonafos na pawang kandidato rin sa pagka-Army Chief.
Ilang impormante sa Camp Aguinaldo ang nagsabing si Catapang ang pinaka-senior sa mga kandidato bilang susunod na Army chief subalit malapit umano si Iriberri kay DND Sec. Voltaire Gazmin dahil nagsilbi itong spokesman noong Army chief pa lamang si Gazmin. Si Catapang din ang gusto sana ni PNoy dahil sa seniority pero nanaig pa din ang rekomendasyon ni Gazmin.
Sinasabi pa ng impormante, pinangakuan na lamang daw si Gen. Catapang na susunod na AFP chief sa pagreretiro ni Gen. Emmanuel Bautista.
- Latest