MANILA, Philippines - Ginawa nang "provisional" state witness ng Department of Justice ang dating tauhan at umano'y tumrabaho sa "pork barrel" scam para kina Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima ngayong Biyernes na ang Ombudsman ang magpapasya kung tuluyang gagawing state witness si Ruby Tuason.
"Sasamahan ko po sila sa Ombudsman. State witness na siya, provisionally covered," pahayag ni De Lima tungkol kay Tuason na umuwi mula San Francisco upang isiwalat ang kanyang mga nalalaman sa pork barrel scam.
Kaugnay na balita: Dating tauhan ni Jinggoy kakanta sa pork scam probe
Dagdag ng kalihim na hiningi ni Tuason na maprotektahan ang kanyang pamilya kapalit ng kanyang pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
"She's entitled to protection [and] her family, too. 'Yan ang kahiling-hilingan niya, na protektahan ang kanyang pamilya," wika ni De Lima.
Sinabi ni Tuason na handa niyang isiwalat lahat ng kanyang nalalaman sa umano'y maling paggamit sa Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas.
Kaugnay na balita: Tuason may isinabit na mga bagong pangalan sa pork scam
Nangako rin siya na isasauli ang mga pera kung mapapatunayang kumita siya mula sa illegal na transaksyon.
"Ang kanyang sasabihin ay katotohanan lamang, hindi hihigit doon at hindi kukulang doon," pahayag ng abogado ni Tuason na si Dennis Manalo sa isang panayam sa radyo.
"Handa po siyang magsoli ng perang kanyang nakuha galing sa mga transaksyon na ito."