MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa ang isang dating tauhan ni Senador Jinggoy Estrada upang isiwalat ang mga nalalaman tungkol sa bilyun-bilyong pork barrel scam.
Dumiretso sa Department of Justice (DOJ) si Ruby Tuason ngayong Miyerkules mula San Francisco upang magbigay ng salaysay kaugnay ng pork scam.
"Ang kanyang sasabihin ay katotohanan lamang, hindi hihigit doon at hindi kukulang doon," pahayag ng abogado ni Tuason na si Dennis Manalo sa isang panayam sa radyo.
Kaugnay na balita: Tuason 'provisional' state witness na sa pork scam
Dagdag ng abogado na handang isauli ng kanyang kliyente ang mga pera kung mapapatunayang kumita si Tuason mula sa illegal na transaksyon.
"Handa po siyang magsoli ng perang kanyang nakuha galing sa mga transaksyon na ito."
Hiniling ni Tuason na mailagay siya sa Witness Protection Program kasama ang mga whistleblowers sa pangunguna ni Benhur Luy.
Kaugnay na balita: Tuason may isinabit na mga bagong pangalan sa pork scam
Si Tuason ang sinasabing nag-aayos ng mga Priority Development Assistance Funds nina Estrada at Senador Juan Ponce Enrile kasama ang grupo ng itinuturong mastermind Janet Lim-Napoles.
"Siya po ay gumawa ng sinumpaang salaysay at sumagot sa mga katanungan ng National Bureau of Investigation tungkol po sa ongoing case na tinatawag na PDAF at Malampaya fund scam," wika ni Manalo.
Sinabi ng abogado na kinausap ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa Amerika si Tuason upang bumalik ng bansa.
Kabilang si Tuason sa mga kinasuhan ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman ng plunder at malversation.