MANILA, Philippines – Alam na ni Pangulong Benigno Aquino III ang dinaranas ng publiko araw-araw sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, kaya naman hindi na niya kailangan pang masubukan ito, ayon sa palasyo ngayong Miyerkules.
"Hindi naman niya kailangang gawin yan dahil batid naman niya iyong paghihirap na dinaranas ng libo-libong commuters sa kanilang araw-araw na paggamit ng ating mass rapid transit facilities," pahayag ni Communications Secretary Sonny Coloma.
Dagdag niya na iniutos na ng Pangulo ang pagpapabilis sa pagsasaayos ng mga pampublikong sasakyan upang mabawasan ang pasanin ng publiko.
Hinamon ni Elvira Medina ng National Center for Commuter Safety and Protection si Aquino na sumakay ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Railway Transit (LRT) upang maintindihan ang dinaranas ng publiko.
Kaugnay na balita: MMDA chairman Tolentino tinanggap ang hamon, sumakay ng bus
Nitong Agosto ay nagkaroon din ng online petition sa website na Change.org na kagaya ng nais mangyari ni Medina.
"The government puts all its efforts in trying to solve traffic, but not in solving public transportation," nakasaad sa petisyon.