MANILA, Philippines - Hindi maaring kanselahin ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO) ang baril ng negosyanteng si Cedrick Lee at mga kasamahan nito ng walang kautusan ng korte.
Ito ang nilinaw kahapon ni PNP-FEO Director P/Chief Supt. Louie Oppus kasunod ng kahilingan ng kampo ni actor/tv host Ferdinand “Vhong†Navarro na kanselahin ang mga lisensiya ng baril ni Lee at mga kasama nito.
Ang grupo ni Lee ang itinuro ng actor na bumugbog sa kaniya sa loob ng condominium unit ni Deniece Cornejo sa Forbeswood Heights, Fort Bonifacio Global City sa Taguig City noong gabi ng Enero 22, 2014.
Una rito, personal na dumulog sa tanggapan ni DILG Sec. Mar Roxas sa Camp Crame sina Atty. Dennis Manalo, legal counsel ni Vhong at manager nitong si Chito Roño, upang hilingin ang revocation ng lisensiya ng baril nina Lee at humiling rin ng karagdagang police visibility sa bahay ng actor sa Quezon City dahil sa patuloy itong nakakatanggap ng death threats.
Tiniyak naman ng opisyal na agad nilang kakanselahin ang lisensya ng baril ni Lee at mga kasamahan nito sa oras na matanggap ang court order kaya kailangang hilingin muna ito ng kampo ni Navarro sa korte.
Sa tala ng PNP-FEO, sinabi ni Oppus na dalawang baril ang naka-isyu kay Lee, isang Taurus cal 40 MM at Glock pistol cal 9 MM.
Tumanggi rin muna si Oppus na ihayag ang inisyal na resulta ng kanilang pagsusuri sa mga dokumento ni Lee dahil confidential umano ito.
Kapag napatunayang may kulang sa mga isinumiteng dokumento si Lee ay isa itong ground para makansela ang lisensiya pero nilinaw na hindi ito basta-basta kakanselahin dahil dadaan ito sa tamang proseso at pagdedesisyunan ng FEO Board saka palang isusumite kay PNP Chief P/Director General Alan Purisima na siyang mag-aapruba bago maging pinal ang desisyon sa pagkansela ng baril.