MANILA, Philippines – Paglabag sa international convention dahil sa paninigarilyo ang maaaring maging dahilan upang matanggal sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa isang opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Civil Service Commission (CSC) assistant Commissioner Ariel Ronquillo nitong Lunes na nilalabag ni Aquino ang ilang probisyon sa Framework Convention on Tobacco Control na nagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga establisyamento ng gobyerno.
"The President is not exempted. But under our rule, the only way to discipline the President is by filing an impeachment complaint against him," pahayag ni Ronquillo sa isang talakayan ng mga kontra sa paninigarilyo.
Aniya, naninigarilyo si Aquino sa loob ng Malacañang at ayaw ng Pangulo na itigil ang bisyo.
Pero aminado si Ronquillo na wala pa sa kasaysayan ng Pilipinas na nasibak sa puwesto dahil sa paninigarilyo.
"In the history of this country, we have not seen a president who was impeached because of smoking or allowing tobacco industry interference," banggit ni Ronquillo.
Nauna nang sinabi ni Aquino na ibinoto siya ng mga Pilipino sa kabila nang kanyang bisyo.
Dagdag niya na patuloy siyang maninigarilyo basta’t wala siyang nilalabag na batas.