MANILA, Philippines - Muling inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Davidson Bangayan na pinaghihinalaang gumagamit din ng pangalang David Tan, ang umano'y kilalang hari ng rice smuggling sa bansa.
Inaresto ng mga ahente ng NBI si Bangayan pagkalabas na pagkalabas niya ng gusali ng Senado sa Pasay City nitong Lunes ng hapon.
Dumalo si Bangayan sa pagdinig ng Senado sa rice smuggling sa bansa. Sa naturang pagdinig, iniutos ng Senate Committee on Agriculture ang pagsasampa ng kasong perjury laban sa negosyante.
Si Bangayan ay inaresto ng NBI bunsod pa rin ng kasong pilferage na nakasamba laban sa negosyante sa Caloocan City Regional Trial Court. Maaari namang magpiyansa si Bangayan ng P40,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa naturang pagdinig, sinabi na ni De Lima aarestuhin ng mga ahente ng NBI si Bangayan anumang oras dahil sa naturang kaso.
Nauna nang inaresto ng NBI si Bangayan dahil na rin sa naturang kaso. Inaakusahan din ng NBI ang negosyante na siya ring nasa likod ng pangalang David Tan, ang umano'y kingpin ng rice smuggling sa bansa.
Paulit-ulit nang itinanggi ni Bangayan na siya at si Tan ay iisang tao.
Iginiit ni De Lima sa pagdinig sa Senado na ginamit ni Bangayan ang alyas na David Tan at mayroon silang mga ebidensya bukod pa sa kanilang saksing empleyado ng Manila Electric Co.