Bitay sa mga foreign drug trader niluluto sa Kamara…

MANILA, Philippines - Niluluto ngayon sa Kamara ang panukalang batas na parusang kamatayan para lamang sa mga dayuhang nagbebenta ng droga sa Pilipinas.

Ang House Bill 1213 ay muling inihain ng magkapatid na Reps. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro) at Maximo Rodriguez (Partylist, Abante Mindanao) matapos na mabigong mapagtibay bilang  batas  noong 15th Congress.

Paliwanag ng magka­patid na kongresista, hindi makatuwiran na ang mga Pinoy ay napapatawan ng parusang kamatayan sa ibang bansa tulad ng China kapag nahuhuli sa  kasong droga tulad umano ng nangyari sa tatlong Filipino na binitay sa nasabing bansa na sina Elizabeth Batain, 38, Sally Ordinario-Villanueva, 32 at Ramon Credo, 42.

Pero pagdating dito sa Pilipinas ang mga nahuhuling dayuhan tulad ng Chinese nationals, na nagbebenta at nag-o-operate ng drug dens at laboratories ay habang buhay na pagkabilanggo lang ang parusa kahit gaano kalaki ang bulto ng drogang nakukumpiska sa kanila.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Comprehensive Dange­rous Drug Acts upang hindi na maglakas-loob pa ang mga dayuhan na magmanupaktura ng droga sa bansa.

Ang panukala ng mag­­kapatid na Rodriguez ay nakalusot sa Kamara noong nakaraang kongreso subalit nabigo naman ito sa Senado.

 

Show comments