MANILA, Philippines - Muling iginiit ng Food and Drug Administration ang babala nito sa mga konsiyumer na lahat ng mga cosmetic product pati na mga sabon ay kailangang merong label o tatak nang tama.
Sinabi ng FDA sa isang advisory na ang naturang mga produkto ay kailangang sumunod sa notification requirement alinsunod sa ASEAN Cosmetics Directives (ACD) na kinatigan ng FDA.
Ipinalabas ng ahensiya ang babala makaraang matuklasan ang isang puting walang tatak na sabon na ibinebenta sa mga kliyente para magamit sa isang golf club sa Cavite noong Disyembre 2013.
“Ang mga golf club, spas, beauty salon, resorts at beauty and massage clinic at iba pang mga pampubliko at pribadong pasilidad ay dapat mag-alok lang sa kanilang mga kliyente ng mga FDA-notified toiletries at cosmetic products,†sabi ng FDA.
Tinatapos na ng FDA inspectorate ang imbestigasyon para maberipika ang pinagmulan ng sabon.
Ang ACD ay isang kasunduang nilagdaan ng mga ASEAN economic minister para sa mga patakaran sa mga pampagandang produkto sa rehiyon para mabawasan ang mga balakid sa kalakalan.