100 pirma para lang sa 1 bagong power plant

MANILA, Philippines - Sa gitna ng banta ng malawakang brownouts dahil sa kakapusan ng suplay ng kuryente, iginiit kahapon ni Senator “Sonny” Angara na dapat ng mawala ang red tape matapos matuklasan na kinakailangan ng mahigit na 100 lagda para lamang maaprubahan ang pagtatayo ng isang power plant.

Ayon kay Angara, kung hindi gagawa ng paraan ang gobyerno para mapabilis ang proseso sa pagkuha ng permits sa pagtatayo ng mga bagong power plants, tiyak na mas lulubha ang problema at posibleng lalong maging mahal ang presyo ng kur­yente sa Pilipinas.

“Nasabi sa akin na 100 approvals ang kailangan. Mahigit isandaang approval o signature para magtayo ng bagong po­wer facility? Kung ganun, talagang hindi nakakagulat na nandito tayo sa sitwasyong ito,” pahayag ni Angara.

Nauna ng inihayag ni Energy Secretary Jericho Petilla na may 165 steps para sa pagkuha pa lamang ng permits, kaya aabot sa mahigit na isang taon ang proseso ng aplikasyon para sa bagong power plant, bukod pa sa tatlo hanggang apat na taon para sa mismong pagtatayo ng planta.

Ayon kay Angara, dapat mapaikli at mapabilis ang proseso lalo na nga­yon na nagkakaroon na ng kakulangan sa suplay ng kuryente kaya nagmamahal ang presyo nito.

Sinabi pa ng senador na marami naman ang intresado na mamuhunan sa power sector dahil maituturing itong “lucrative business” sa mga nakaraang dekada.

Iginiit ni Angara na magkaroon ng isang “one-stop shop” para sa pagpapalabas ng permits para maging simple ang pro­seso. 

 

Show comments