Early registration dinagsa

MANILA, Philippines - Dinumog ng mga magulang at mga mag-aaral ang early registration na ikinasa ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng elementary at high school sa bansa kahapon para sa School Year 2014-2015.

Ayon sa DepEd, maaga pa lamang ay marami na ang nakapila upang magpatala sa mga paaralan na nagbukas ng alas-8:00 ng umaga at nagsara hanggang alas-4:00 ng hapon.

Umaasa naman ang DepEd na magiging maganda ang resulta ng early registration bagamat hindi pa matukoy kung gaano karaming mag-aaral ang nagpatala.

Layunin ng early re­gistration campaign na makamit ang Millennium Development Goals, gayundin ang goal para sa Education for All (EPA) ng pamahalaan.

Sakop ng Early Re­gistration Day, na batay sa DepEd Order No.2 s.2014 na makakalap ng mga impormasyon kung ilang estudyante ang inaasahan nilang magbabalik-eskwela sa pasukan upang matukoy ang mga posibleng kakulangan at problema na maaari nilang kaharapin bago ang regular na enrollment ng klase sa susunod na school year.

Target ng early registration ang lahat ng limang taong gulang na bata para matiyak na makapag-e-enroll ang mga ito sa kindergarten at lahat ng mga anim na taong gulang na bata, para makapag-enroll naman sa Grade 1.  

Iba pang target ng early registration ay mga out-of-school children (OSC) at out-of-school youth (OSY) mula sa disadvantaged groups kabilang na ang mga street children na may edad lima hanggang 18 taong gulang.

Ang mga naturang targeted learners ay pagkakalooban ng kanilang preferred education delivery system na maaaring formal sa pamamagitan ng alternative delivery mode (ADM) o sa pamamagitan ng alternative learning system (ALS).

 

Show comments