MANILA, Philippines - Umaabot sa 90 mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nasibak sa puwesto matapos mapatunayang sangkot sa pandodoktor sa mga insidente ng kriminalidad na nagaganap sa kanilang mga hurisdiksyon.
Ayon kay PNP-Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) Deputy Chief P/Chief Supt. Jorge Corpus, kabilang sa mga nasibak ang isang Regional Director, 8 Provincial Directors at 81 Chief of Police at Station Commanders.
Patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon ang mga nasibak na opisyal nitong huling bahagi ng 2013 na tumanggi nilang tukuyin ang mga pagkakakilanlan.
Paliwanag naman ng mga opisyal na ang pagtaas ng krimen ay dahil marami silang nadiskubreng hindi inirereport ng makatotohanan sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Binigyang diin ng opisyal na hindi lamang ang mga krimen na naireport sa blotter ang kanilang inirerekord kundi kasama na rito ang wala sa blotter.
Ayon naman kay Sr. Supt. Rosauro Acio, Chief ng Research and Analysis Division ng PNP-DIDM, ilan sa mga unit commanders ay nais lamang mapabilib ang kanilang mga superior kaya hindi iniuulat ang mga kriminalidad.