MANILA, Philippines - Muling kinasuhan ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman si Agriculture Secretary Proceso Alcala gayundin si National Agribusiness Corporation (NABCOR) President-CEO Honesto Baniqued.
Sa 18 pahinang criminal at administrative case na isinampa kahapon ni Atty. Argee Guevarra ng Sanlakas Party-list, nakasaad na ito ay may kinalaman sa pandarambong, katiwa-lian at pagwawaldas umano ng P1.07-bilyong pondo ng pamahalaan.
Sa reklamo, sinabi ni Guevarra na si Alcala ang missing link sa pork barrel scam ni Janet Napoles batay na rin sa Commission on Audit (COA) report na winaldas umano ng NABCOR ang P807.59-milyong pondo mula DA nang walang kaukulang disbursement vouchers.
Bukod pa ito sa naglalakihang mga sweldo at allowances na ibinigay umano nina Alcala at Baniqued sa sarili na aabot sa P23.6 milyon at iba pang kwestyunableng gastos.
Una nang kinasuhan ni Guevarra ng kasong plunder si Alcala kaugnay ng pork barrel scam.