Pinoy na maaaresto sa crackdown sa Malaysia, kulong ng 2-6 buwan

MANILA, Philippines - Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa mga undocumented Pinoy lalo na sa mga overseas Filipino workers na agad na makipag-ugnayan sa kanila upang makaiwas sa posibleng pagkakakulong ng dalawa hanggang anim buwan kapag naaresto sa isinagawang crackdown ng Malaysian authorities.

Sa tala ng Embahada, may 200,000 Pinoy ang dokumentado sa Malaysia subalit pinaniniwalaan na doble pa sa nasabing bilang ang mga hindi dokumentado o ilegal na nananatili sa nasabing bansa.

Sa kabila ng pagsisimula ng crackdown laban sa mga illegal foreign nationals nitong Enero 21, wala pang natatanggap na ulat ang Embahada na may Pinoy nang kasama sa mga nadakip sa Malaysia.

Nabatid na makukukong ng 14 araw ang maaarestong illegal alien at saka sasampahan ng kaso at karaniwang pinapatawan ng parusang pagkakakulong ng dalawa hanggang anim na buwan at saka ipatatapon sa bansang pinagmulan nito.

Bago pa ang panawagan na maglulunsad ng paghuli ang Malaysia laban sa mga dayuhang ilegal na nananatili sa kanilang teritoryo, may mga undocumented OFW na ang nagtungo sa Embahada upang humingi ng assistance para sa kanilang exit pass at mapauwi sa Pilipinas.

Bilang bahagi ng kanilang pagtulong, ang mga illegal OFWs ay sasamahan ng kinatawan ng Embahada sa Immigration sa Putrajaya upang matiyak na magiging patas ang pagtrato sa kanila.

 

Show comments