MANILA, Philippines – Walang nakikitang mali ang beteranang senadora Miriam Defensor-Santiago sa pakikipagpulong ni Pangulong Benigno Aquino III kay Senador Ramon Revilla Jr. habang nililitis ang noo’y Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Sinabi ni Santiago na hindi labag sa batas ang umano’y ginawang pag-impluwensiya ni Aquino sa mga Senador na nagsilbing hukom, kabilang si Revilla na ibotong masipa si Corona dahil ito ay “legal and political in nature."
Dagdag ng senadora na mayroong “right to assure his political survival" si Aquino bilang pinuno ng kanilang partiado, ngunit binaggit din ni Santiago na mayroon itong limitasyon.
Kaugnay na balita: Pulong nina PNoy at Revilla, hindi dapat nangyari - legal expert
Pero mag-iiba aniya ang usapan kung totoong nagbigay ng karagdagang pondo si Aquino, sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program (DAP), sa mga senador na bumotong matanggal sa puwesto si Corona.
"If President Aquino merely confined himself to attempts to influence the outcome of the impeachment trial last year, he did not commit a crime. But if he bribed the senator-judges to convict the accused, then he is guilty of bribery as prohibited by law and as a ground for his own impeachment under the Constitution," pahayag ni Santiago.
Kaugnay na balita: ‘Huwag n'yo sana akong husgahan’ – Sen. Bong Revilla
Isiniwalat ni Revilla sa kanyang privilege speech kahapon na nakipagpulong siya kay Aquino habang dinidinig ang impeachment trial ni Corona.
Aniya, pinakiusapan siya ni Aquino na ibotong matanggal sa puwesto ang dating Chief Justice.
Sa privilege speech naman ni Senador Jinggoy Estrada noong nakaraang taon ay sinabing nakatanggap ng “bonus†ang mga senador na bumotong masibak sa puwesto si Corona.
Kaugnay na balita: Bong kay Noy: 'Ito ba ang daang matuwid?'
Kapwa nahaharap sa kasong pandarambong sina Estrada at Revilla kasama pa si Juan Ponce Enrile dahil sa umano’y kinita sa pork barrel scam na pinamunuan umano ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles
Ngayong Martes din ay inamin ni Aquino na nakipagpulong siya kina Revilla at iba pang senador upang kumpirmahin ang mga ulat na pine-pressure raw ang mga senator judges.
Pinabulaanan din ni Aquino na pinilit niya ang mga senador na pagkaisahan si Corona.