MANILA, Philippines - Patay ang isang mister matapos pagsasaksakin ng dalawang lasing na inawat ng una sa isang kaguluhan na naganap sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Crisanto Brigilles, 44, ng Azicate Homes, Tabing Ilog, Brgy. Gen. T. De Leon ng naturang lungsod.
Nakakulong naman ang suspek na si Eddie Aniel, 48, ng Vitas, Tondo, Manila habang nakatakas ang kasama nito na nakilala lang sa alyas na Junior Alde.
Batay sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente alas-8:10 ng gabi sa Tabing Ilog, Barangay Gen. T. De Leon ng naturang lungsod.
Nabatid na napaaway ang mga suspek habang nakikipag-inuman sa lugar ng biktima kung saan umawat naman ang huli.
Nagalit ang mga suspek at ang biktima ang napagbalingan na kanilang pinagsasaksak.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ay nadakip si Aniel habang pinaghahanap naman ang kasama nito.