MANILA, Philippines – Binanatan ni Senador Bong Revilla Jr. ngayong Lunes ang administrasyong Aquino at sinabing pakitang-tao lamang ang kanilang ginagawa.
Matapos ituro ng Department of Justice si Revilla na isa sa mga kumita sa pork barrel scam, binatikos ng senador sa kanyang privilege speech ang mga kapalpakan ng gobyerno.
"Lahat nang ito ay palabas lamang ng isang gobyerno na nagkukunwaring may malasakit sa bayan," banggit ni Revilla.
Kinuwestiyon din ni Revilla ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program at ang pagtugon ng gobyerno sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
"Ito ba ang Daang Matuwid?" tanong ni Revilla.
Isiniwalat din ni Revilla ang umano’y pakiusap sa kanya ni Aquino na iboto ang pagpapatalsik sa noo’y Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
"Pare, parang awa mo na. Ibalato mo na sa akin ito," sinabi umano ni Aquino kay Revilla. "Tama po bang pakialaman ng President ang impeachment trial?"
Hiniritan din ni Revilla ang mga pork scam whistleblowers na nagdidiin sa kanila nina Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Kaugnay na balita: ‘Huwag n'yo sana akong husgahan’ – Sen. Bong Revilla
Itinanggi rin ng senador na pirma niya ang mga ipinakita ng mga whistleblowers matapos umanong kubrahin ang parte sa pork scam.
“Kitang kita na sila mismong mga whistle blower at ang kanilang mga kasabwat ang may kagagawan,†tirada ng senador.
“Hindi ko po pirma ang mga dokumentong ebidensya laban sa akin, pero patuloy pa rin nila akong pinagmamalupitan,†sabi pa ni Revilla.
Nakiusap ang kontrobersiyal na senador sa publiko na bigyan siya ng pagkakataong makapagpaliwanag mula sa kabi-kabilang batikos na ibinabato sa kaniya kaugnay ng bilyung-bilyong pork barrel scam.
“Hindi ko kayang talikuran ang pagmamahal at pagtitiwala sa akin ng ating mga kababayan.
Dahil lamang sa pulitika, ang aking pangalan at aming pagkatao at bunga ng aking pagsisikap ay basta basta na lamang ginigiba,†banggit ng emosyonal na senador.
“Hindi po ako nagtraydor, bigyan n'yo po ako ng pagkakataon na linisin ang aking pangalan, wag n'yo sana ako husgahan,†dagdag ni Revilla.