MANILA, Philippines - Upang matiyak na ligtas sa sakit na tigdas ang isang batang atleta, pinapasailalim sa medical screening ang mga batang atleta na lalahok sa isang linggong Palaro sa NCR.
Sa abiso ni Dr. Manuel Mapue, hepe ng epidemiology and surveillance unit ng DOH-NCR na huwag nang palaruin ang may lagnat na isa sa sintomas ng tigdas.
Aniya, sa ganitong kaso posible umanong lumala ang sakit.
Sa pinakahuling monitoring ng DOH-NCR, may 787 suspected cases ng tigdas sa Metro Manila mula Enero 1 hanggang Enero 15 kung saan may anim ng namatay.
Subalit bumababa na ang kaso ngayon, kumpara noong nakaraang buwan kung saan sa huling linggo lang ng Disyembre 2013 ay umabot ng mahigit 700 ang naospital dahil sa kinakitaan ng mga sintomas ng tigdas.
Noong 2013, umabot ng 3,083 ang naospital sa NCR dahil kinakitaan ng sintomas ng tigdas kung saan 650 dito ang nagpositibo sa laboratory test at may limang nasawi.