Oil tanker tumagilid sa kalye, langis tumagas

MANILA, Philippines - Isang oil tanker na naglalaman ng higit sa 10,000 litro ng langis ang tumagilid sa Payatas Road, Quezon City kahapon.

Ayon kay QC Fire marshal Supt. Jesus Fernandez, ang tumaob na 10-wheeler oil tanker na may plakang TCN-936 ay pag-aari ng isang Ferdinand Isidro.

Sinasabing naglalaman ang tanker ng 12,000 litro ng diesel, 2,000 litro ng kerosene at 2,000 litro ng gasoline.

Ayon kay Fernandez, ganap na alas 2:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa may Litex Road, Payatas.

Diumano, tinatahak ng oil tanker na minamaneho ng isang Bonifacio Rafal ang lugar nang biglang mawalan umano ito ng brake at tuluyang sumadsad patagilid sa kalye.

Dahil dito, tumagas ang langis mula sa tanker na nagdulot ng pagkalat nito sa nasabing kalye. Nagmistulang lawa ng langis ang bahagi ng kalye sa Payatas Road dahil sa insidente.

Sinisimulan na ng BFP at ilang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis sa mga tumagas na langis.

Show comments