Ahensya vs terorista isinusulong ng mga Arroyo

MANILA, Philippines - Nais ng mga kongresistang Arroyo na magkaroon ng ahensyang nakatutok kontra sa mga terorista sa bansa.

Inihain ng mag-inang sina Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo at dating Pangulonl at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang House Bill 3048 na naglalayong protektahan ang bansa laban sa mga terorista.

Layunin ng panukalang bumuo ng Philippine Transportation Security Authority na poprotekta sa himpapawid, katubigan at kalupaan ng Pilipinas upang maharang ang panggugulo ng lokal at international terrorists.

"It is worth mentioning the train bombing in Madrid, Spain and the 9/11 bombings in the United States of America wherein terrorists used various airplanes to take lives and destroy property," pahayag ng nakababatang Arroyo.

"What is more chilling is that such acts were able to instill fear in the hearts and minds of people all over the world," dagdag niya.

Ilan sa mga tinutukoy na pag-atake ng mga terorista ang paglubog ng barko sa probinsiya ng Quezon, ang pambobomba sa Light Rail Transit at Davao International Airport.

Tungkulin ng PTSA na masiguro ang seguridad ng bansa at magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipino.

Responsibilidad din ng PTSA na higpitan ang seguridad sa lahat ng pasukan at labasan ng bansa kabilang ang mga paliparan at pantalan.

Paglalaanan ng P500 milyong pondo ang PTSA kung sakaling tuluyang mapatupad.

Show comments