MANILA, Philippines - Umabot na sa 34 ang mga nasawi dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Mindanao, ayon sa state disaster response agency ngayong Biyernes.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pinakabagong situational report na bukod sa mga nasawi ay may pitong katao pang nawawala dahil sa pagragasa ng baha at pagguho ng lupa.
Umakyat na rin sa 65 ang mga sugatan sa kalamidad sa regions 9, 10, 11, Caraga at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Lumobo na rin sa 97,000 pamilya o 463,000 katao ang naapektuhan ng walang tigil na pag-ulan epekto ng low pressure area.
Mula sa naturang bilang ay 44,000 pamilya o 212,000 katao ang nasalanta at pansamantalang nanunuluyan sa 385 na rvacuation centers.
Winasak pa ng flashflood ang 57 kalsada, 21 tulay sa region 9, 10, 11 at Caraga, ayon pa sa NDRRMC.
Patuloy ang pagbibigay tulong ng gobyerno sa mga naaapektuhan ng bagyo.