MANILA, Philippines - Nanindigan kahapon ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi kikilalanin ng Pilipinas ang bagong fisheries law na ipinatutupad ngayon ng China sa Hainan province, na sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, hindi nire-recognize ng ating pamahalaan ang bagong batas ng China kaya patuloy na pinoprotesta ng DFA ang pagpapatupad nito.
Iginiit ni Hernandez na ang Hainan law ng China ay hindi lamang sa kanilang maritime zone kundi naÂdamay dito ang mga karagatang teritoryo ng mga kalapit bansa kabilang na ang Pilipinas partikular ang nasa may 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ang nasabing batas na piniiral ng China ay epekÂtibo nitong Enero 1, 2014 matapos nilang maipasa noong Nobyembre 2013 na nag-aatas sa mga dayuhang barko o anumang sasakyang pandagat na maglalayag sa kanilang inaangking teritoryo na huÂmingi muna ng permiso sa kanilang regional authorities bago magsagawa ng anumang aktibidad gaya ng pangingisda at surveÂying sa nasabing karagatan.
Sinasabi ng China na sakop ng kanilang teritoryo ang buong South China Sea o West Philippine Sea kabilang na ang EEZ ng Pilipinas. Dahil dito, hiniling ng DFA na klaruhin ng China ang kanilang batas.
Ayon kay Hernandez, tumugon na ang China kamakalawa at iginiit nila na ang bago nilang regulasyon ay isang implementasyon ng fisheries law ng China kung saan sinasaklaw nito ang hurisdiksyon ng Hainan province.
Pinag-aaralan na ng DFA ang paghahain ng panibagong diplomatic protest laban sa China dahil sa nasabing pagpapatupad ng bagong fisheries law sa Hainan.