MANILA, Philippines – Inilagay ng National Bureau of Investigation sa look-out bulletin ang negosyanteng si Davidson Bangayan, ang itinuturong “David Tan†na nasa likod ng bilyung-bilyong rice smuggling sa bansa.
Sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima ngayong Miyerkules na hindi maaaring lumayo si Bangayan habang patuloy ang imbestigasyon ng NBI.
Dagdag ni De Lima na pinaninindigan ng mga imbestigador na iisa lamang si Bangayan at ang David Tan base na rin sa mga salaysay ng mga opisyal ng rice cooperatives na nakausap ng negosyante.
Kaugnay na balita: 'David Tan' dinakip ng NBI
Samantala, kailangan pang linawin ng Caloocan Regional Trial Court ang inilabas na warrant of arrest laban kay David Tan.
Tumungo ng opisina ng NBI si Bangayan nitong kamakalawa upang pormal na itanggi na siya si Tan, ngunit pagdating ng negosyante ay dinakip siya.
Sinabi ng NBI na may arrest warrant laban sa kanya para sa kasong pilferage ngunit hindi ito naging malinaw dahil nakapangalan ito kay Tan.
Nauna nang sinab ni De Lima na iisa lamang si Bangayan at Tan na umano’y may kasabwat sa Bureau of Customs upang mapatakbo ang ilegal na gawain.