MANILA, Philippines - Tuluyan nang inaresto ang hinihinalang rice smuggler na si David Tan ilang oras makaraang ito ay lumutang sa DOJ kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na si Tan alyas Davidson Bangayan ay inaresto sa bisa ng mandamyento de aresto na ipinalabas ng Caloocan Regional Trial Court nuong October 11, 2010.
Ang kaso ay may kinalaman sa diumano’y paglabag ni Tan sa Republic Act 7832 o Anti-Pilferage Law.
Nabatid na nakuha ng NBI ang kopya ng warrant of arrest nito lamang January 7, 2014.
Ayon kay de Lima, si Davidson Bangayan, o sinasabing David Tan, ay nagtungo sa DOJ alas-9:30 ng umaga kasama ang abogado.
Ang paglutang ni BaÂngayan ay matapos na ihayag ni de Lima na siya at ang umano’y rice smuggler na si David Tan na natukoy sa Senate inquiry ay isang tao lamang.
Itinatanggi umano ni Bangayan ang akusasyon na siya ang David Tan at maging ang alegasyon na sangkot siya sa rice smuggling. Tiniyak din ni Bangayan na handa siyang makiisa sa anumang imbestigasyon sa isyu ng rice smuggling.
Si Bangayan ay una nang inilarawan ni de Lima na Chinese-Filipino, mula sa Davao at sangkot umano sa rice smuggling sa bansa at konektado sa mga opisyal ng Bureau of Customs at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Una nang nakakalap ng mga dokumento ang NBI patungkol kay David Tan kabilang na ang kanyang tirahan at mga negosyo at ginamit na batayan upang kumpirnahin na siya at si Bangayan ay isang tao lamang.
Ngunit wala umanong middle name si BangaÂyan at lalong hindi ginagamit ang Tan, kundi ang apelÂyido ng kanyang ina.