MANILA, Philippines - Katulad ni Pangulong Benigno Aquino III, bumaÂba rin ang performance at trust ratings ni Senate President Franklin Drilon sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Mula sa dating 50 at 46 percent na performance at trust rating ni Drilon ay naging 43 at 40 percent na lamang noong Disyembre 8-15.
Sa nasabing survey, ang performance at trust rating din ng Pangulong Aquino ay bahagya ring bumababa sa kabila ng patuloy na rehabilitasyong isinagawa ng gobyerno sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda. Mula sa dating 79 porsiyento, naging 74 na lamang.
Samantala, bahagyang tumaas naman ang performance at trust ratings nina Vice President Jejomar Binay, Speaker Feliciano Belmonte Jr., at Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Kaugnay nito, sinabi ni Drilon na ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng Kongreso noong 2013 ang nagdulot ng unti-unting pagguho ng tiwala ng taumbayan.
Pero determinado si Drilon na gumawa ng mga kinakailangang hakbang para bumalik ang tiwala at kumpiyansa ng mga mamamayan.
Tiniyak ni Drilon na sa pamamagitan ng mga repormang isasagawa ng Senado ngayong 2014 at mga ipapasang panukalang batas ay tataas muli ang tiwala ng mga mamamayan sa Senado.