MANILA, Philippines - Matapos tamaan ng super bagyong Yolanda ang area ng Visayas noong nakaraang taon, ay delubyo naman ng baha at landslide na dala ng Low Pressure Area (LPA) ang nanalasa sa Mindanao, kung saan ay 14 na katao ang iniulat na nasawi at 13 pa nawawala.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) sa Region XI, nabatid na kabilang sa 14 na nasawi ay sina Misael Cabales, Ramil Legaspi, Nino Madindin, Alfredo Moses at Roy Baron na natabunan ng gumuhong lupa o landslide sa Brgy. Bangol, Tarragona, Davao Oriental.
Nasawi rin sa landslide sa Brgy. Tubaon, Tarragona, Davao Oriental ang biktimang si Boy Arenas habang patay naman sa flashflood matapos na anurin ng malakas na agos sa umapaw na ilog ang biktimang tinukoy lamang sa pangalang Pedro at isa pa ang iniulat ring nawawala sa Brgy. Marayag, Lupon sa nasabing lalawigan.
Iniulat naman ni Compostela Valley Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Pancracius Camilo Cascolan ang pagkasawi sa landslide ng apat katao, 10 ang sugatan at lima pa ang nawawala sa lugar na kanyang nasasakupan.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Francisco Lupe at Eddie Largo ng Brgy. Ngan, Compostela Valley. Dalawang batang babae naman ang namatay na kinilalang sina JeneÂmae Gonzales, 6-anyos at 2-anyos na tinukoy lamang sa apelyidong Aquino sa Brgy. Babag at Brgy. Mt. Diwata sa bayan ng Monkayo.
Inireport rin ni Cascolan ang pag-apaw ng mga ilog sa Compostela at New Bataan sa lalawigan at hindi madaanan ng mga sasakyan ang Brgy. Ngan, Tamia at Mapaca; pawang sa bayan ng Compostela; Maragusan patungong Budalan at Luzvimin, Brgy. Katipuan gayundin ang Poblacion at Brgy. Inambatan sa Lower Ulip, Monkayo.
Umapaw rin ng tubig ang tulay sa New Bataan at Cogonon road na hindi madaanan ng mga sasakyan.
Iniulat naman ni OCD Region 13, Director Liza Mazo na dalawa ang nawawala sa CARAGA. Isa rito ay si Jolito Agatia, 32 na tinangay ng malakas na agos habang tumatawid sa Aciga River sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte at Michael Paran, 14 na inanod naman ng tubig baha sa Mati River sa Taganoan, Surigao del Norte.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 26,801 pamilya o kabuuang 132,879 katao ang apektado ng flashflood at landslide sa 86 Barangay, 26 munisipalidad sa Region IX, X at CARAGA pawang sa rehiyon ng Mindanao.
Nasa 4,217 pasahero at apat na motorbanca ang stranded sa pier ng Matnog, Sorsogon at maÂging sa Cebu. May 22 kalsada at 13 tulay ang hindi madaanan sanhi ng flashfloods.
Iniulat rin ng NDRRMC, na may kabuuang 8,824 hektaryang mga pananim ang nasira at iba pang imprastraktura ang napinsala bunga ng kalamidad habang 113 na bahay ang nawasak.