MANILA, Philippines - Ipinaaaresto ng isang top brass official ng Philippine National Police sa kanyang mga tauhan ang dalawang illegal gambling kolektor dahil ginagamit ng mga ito ang pangalan ng una para magkamal ng malaking halaga ng salapi.
Sinabi ng isang source, ipinahuhuli ni PNP-CIDG director Benjamin MaÂgalong ‘at all cost’ sina alyas Baby Marcelo at isang alyas Wilson ‘kakilala’ sa kanyang mga tauhan dahil umabot sa kaalaman ng una na ipinanghihingi nila sa mga illegal gambling lords tulad ng jueteng, tupada, horse racing bookies, sakla, montehan at sugal/lupa, prostitution dens, mga sauna bath parlor na may special na gimik at sa mga clubs gamit ang kanyang pangalan.
Ayon sa source, matapos makarating sa kaalaman ni Magalong ang istilong ginagawa ng dalawa ay ipinag-utos nito sa lahat ng kanyang tauhan na hulihin sina alyas Baby Marcelo at isang alyas Wilson ‘kakilala.’
‘Milyon halaga ng salapi ang nakukuha ng dalawa sa mga iligalista kada linggo,’ anang source.
Sabi pa ng source, kung mapapatunayan na ginagamit ng dalawa ang pangalan ni Magalong at CIDG tiyak may paglalagyan sila.