Paglaganap ng tigdas, ikinabahala na rin ng DepEd

MANILA, Philippines - Maging ang Department of Education (DepEd) ay labis na ring nababahala dahil sa pagkakaroon ng outbreak ng nakahahawang sakit na tigdas, na karaniwang biktima ay mga batang estudyante.

Bunsod nito, sinimulan na ng DepEd na gawing operational ang Preventive Alert System in Schools (PASS) upang maiwas ang mga mag-aaral at mga education employees laban sa naturang sakit.

Ayon sa DepEd, ang PASS ay sistematikong pag­lalahad ng impormasyon hinggil sa estadong pa­ng- kalusugan ng isang bata o guro.

Sinabi ni DepEd Assistant Secretary Tonesito Umali, lahat ng school heads ay inatasan nang gawing operational ang PASS sa kani-kanilang paaralan.

Alinsunod sa direktiba, ang mga teachers-in-charge ang magpapaliwanag sa klase kung paano magiging epektibo ang PASS.

Sa ilalim nito, oobserbahan ng mga mag-aaral ang kanilang mga kaklase at kung mayroon sa kanilang hindi maganda ang pakiramdam, o kaya’y may ubo, sipon  o di kaya’y lagnat, ay kaagad itong ire-report sa guro para matukoy kung may tigdas ang isang mag-aaral.

Kinakailangan ring i-monitor ng guro ang health status ng bawat estudyante sa silid-aralan at kaagad na iuulat sa principal kung mayroon sa mga ito na may karamdaman.

Ang principal naman ang siyang mag-iimporma sa pamilya ng may sakit na bata hinggil sa kalagayan nito.

Maaari rin  dalhin sa klinika ng paaralan  o health center ang batang may sakit upang matukoy kung kinakailangan nitong lumiban muna sa klase. Ganito rin  ang gagawin kung guro ang matutuklasang may karamdaman.

Ang school heads naman ang magsasagawa ng daily monitoring ng health status ng mga mag-aaral at mga personnel at magmamantine ng record hinggil dito.

Ang mga batang matutuklasang may sakit ay hindi muna papapasukin upang hindi makahawa sa mga kaklase. Pagkakalooban naman ng lessons/mate­rials for learning para makapag-home study ang isang bata nang hindi mapag-iwanan ng mga kaklase.

 

Show comments