MANILA, Philippines - Pinalagan kahapon ng Department of National Defense ang plano ng China na palakasin pa ang puwersa nito sa pamamagitan pagpapatupad ng ‘fishing permit’ sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).
Ayon kay Defense spokesman Dr. Reuben Peter Paul Galvez, handa ang pamahalaan na ipagÂlaban at protektahan ang yamang dagat sa hurisdiksyong nasasakupan ng 200 miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa na tumutukoy sa Spratly Islands sa Palawan at Scarborough Shoal sa Masinloc, Zambales.
Sa ulat, pinaplano ng China na magdagdag pa ng puwersa nito sa West Philippine Sea para obligahin ang mga dayuhang mangingisda na kumuha muna ng permiso sa Beijing bago mangisda sa pinagtatalunang teritoryo.
Una nang umani ng mga pagbatikos mula sa Estados Unidos at iba pang bansa ang implementasyon ng Air Defense Identification Zone (ADIZ) noong Nobyembre 2013 ng Beijing sa East China Sea na sumasaklaw rin sa hangganan ng Japan at South Korea.
Nilinaw naman ni Galvez na nagsasagawa pa ng beripikasyon ang Defense Department sa napaulat na panibagong plano ng China.
Bukod sa Pilipinas kabilang pa sa mga bansang nag-aagawan sa pag-aangkin sa WPS ay ang Taiwan, Vietnam, Brunei, Malaysia at ang pinakamapangahas na China.
Magugunita na binansagan ni Defense Sec.Voltaire Gazmin na mistulang elepante umano ang China sa patuloy na pambu-bully sa Pilipinas na langgam lamang maitutuÂring kumpara sa mga ito.