MANILA, Philippines - Nilinis kahapon ng pamahalaang lungsod ng Parañaque sa libu-libong illegal vendors ang buong Baclaran matapos na mapaso na ang ibinigay na “special permit†nitong nakaraang Kapaskuhan.
Ipinagmalaki ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na alas-5 pa lang ng madaling araw ay halos wala nang makikitang vendors at maayos nang nadaraanan ang mga kalsada partikular na ang Redemptorist Road, Service Road, at maging ang ilang bahagi ng FB Harrison Street at Taft Avenue.
Sinabi nito na bago ang operasyon ay nakipagda-yalogo na siya sa mga lider ng mga vendors kamaka-lawa kung saan nasa 3,200 illegal vendors ang pinagbawalan nilang magtinda. Ito ay makaraang matapos na umano ang bisa ng special permit na inisyu nila noong nakaraang Nobyembre para makapagtayo ng mga tolda at magtinda ang nasa 600 vendors.
Ngunit trak-trak naman ng basura ang nahakot sa Baclaran na iniwan ng mga illegal vendors.
Matatandaan na hindi na madaanan ng mga motorista ang Redemptorist Road at Service Road dahil sa dami ng vendors na malayang nakapagtitinda. Ipinaliwanag ni Olivarez na mga “gerilya†vendors umano ang nagpapasikip sa mga kalsada na agad nagbabalikan kahit na maya-maya ang pagsita.