MANILA, Philippines - Tatlong recruitment agencies na sangkot umano sa human trafficking ang sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ipinag-utos ni POEA administrator Hans Leo J. Cacdac ang preventive suspension laban sa Empleos Incorporated, Nahed International Manpower Services at Ridzkey Human Resources International Services, na natuklasan umanong illegal na nag-deploy ng mga manggagawang Pinoy sa Jordan, gamit ang Dubai, United Arab Emirates bilang transit point.
Ayon kay Cacdac, gumagamit ang tatlong ahensiya ng parehong iskima nang pagproseso ng mga dokumento ng mga OFWs sa POEA para magtrabaho sa UAE, ngunit pagdating sa Dubai ay ita-transfer ng eroplano patungong Jordan.
Mismong ang POEA ang nagsampa ng reklamo laban sa tatlong ahensiya matapos makatanggap ng mga memo mula sa Philippine Overseas Labor Office sa Jordan na humihingi ng tulong para sa aga-rang pagpapauwi sa mga OFWs na idineploy doon ng naturang recruitment agencies.
Tumakas umano ang mga manggagawa mula sa kani-kanilang employer at kasalukuyang nanunuluyan sa Filipino Workers Resource Center sa Amman, Jordan.
Ipinag-utos na rin ni Cacdac na maisama ang pangalan ng mga respondents sa listahan ng POEA ng mga ahensiyang pansamantalang diskuwalipikado sa pag-recruit at pag-deploy ng mga OFWs, habang nakabinbin pa ang imbestigasyon sa kasong kinakaharap ng mga ito.