MANILA, Philippines - Nagpatupad ng maliit na rollback sa presyo ng diesel at kerosene ang ilang kompanya ng langis sa bansa ngayong Martes ng umaga.
Pangungunahan ng Pilipinas Shell ang rollback dakong alas-12:01 ng hatinggabi kung saan magtatapyas ito ng P.45 sentimos sa kada litro ng diesel at P.25 sentimos naman sa kada litro ng kerosene.
Wala namang paggalaw sa presyo ng premium at unleaded gasoline.
Inihayag naman ng Phoenix Petroleum na magpa-patupad din sila ng kahalintulad na rollback sa diesel dakong alas-6 naman ng umaga. Wala pa namang opisyal na pahayag ang ibang kompanya ng langis partikular ang Petron Corp. at Chevron Philippines ngunit inaasahan na susunod din ito sa bagong galaw sa presyo ng langis sa lokal na merkado.
Muling ikinatwiran ng Shell na ang bagong presyo ay base pa rin sa dikta ng internasyunal na merkado na sinasalamin lang sa presyuhan sa lokal na pamilihan sa bansa.