MANILA, Philippines - Tutol ang liderato ng Kongreso sa ideya na gawing legal ang paggamit ng Marijuana kahit pa para gamitin itong gamot.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., hindi uusad sa Kamara ang ganitong panukala kung may maghahain na kongresista.
Ganito din naman ang posisyon nina Deputy Speaker Giorgidi Aggabao, Ifugao Rep. Teddy Baguilat at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Para kay Baguilat ang panganib na dulot ng Marijuana ay mas mabigat kumpara sa Medical Benefits nito.
Iginiit naman ni Aggabao na mahina ang gobyerno sa pagpapatupad ng regulasyon kaya kahit magtakda pa ng mahigpit na limitasyon ang legal na paggamit ng Marijuana ay siguradong magreresulta ito sa paglala ng adiksyon ng mga kabataan.
Ang reaksyon ng mga mambabatas ay kasunod ng pagsasaligal ng paggamit ng Marijuana sa Colorado sa Estados Unidos subalit limitado lamang ito sa mga may edad 20 pababa.