Palasyo dumepensa sa dagdag kontribusyon sa SSS, PhilHealth

MANILA, Philippines - Dinepensahan ng Ma­lacañang ang pagpapatupad ng dagdag na kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) at PhilHealth.

Ayon kay Communi­cations Sec. Herminio Coloma Jr., ang SSS at PhilHealth ay dalawa sa mahalagang programa ng pamahalaan hinggil sa social protection o pagbibigay kalinga sa pinaka nangangailangang sektor ng lipunan. 

Aniya, sa konsepto ng social protection ay binibigyan ng pamahalaan ng tulong ang mga mamamayan na pinaka nangangailangan, at ina­ayudahan din naman ang mga mamamayan na mayroong kakayahan na mag-ambag para sa kanila ring kapakinaba­ngan.

Paliwanag ni Coloma, ang sakop ng karagdagang kontribusyon ay ‘yung mga empleyado sa kompanya, individually paying member at mga overseas Filipino worker. At para sa mga empleyadong may pinakamababang sweldo, ang kanilang buwanang premium ay itinaas mula sa 100 piso hanggang 200 piso.

“Ang karagdagang P100 buwan-buwan ay paghahatian o tig-50 pisong ambag ng kompanya at ng empleyado. Kung isasalin po natin sa araw-araw na halaga ay lampas lang po sa tatlong piso isang araw ang karagdagang bayarin o ambag,” sabi ni Coloma.

Para naman sa mga OFW, itinaas din mula sa 100 piso hanggang 200 piso ang kanilang buwanang kontribusyon.

Sa aspeto ng SSS contribution, binanggit na umano mismo ni Pa­ngulong Aquino sa kanyang nakaraang SONA ang pangangailangan na mamuhunan sa kinabukasan sa pamamagitan ng pagtaas ng antas ng kontribusyon, upang maiwasan ang tuluyang pagkaubos ng pondo na tinatayang nababawasan ng walong porsyento bawat taon. 

 

Show comments