Arabo inireklamo ng rape ng Pinay

MANILA, Philippines - Arestado ang isang Arab national nang ireklamo ng 28-anyos na dalaga ng kasong rape matapos umanong di makayanan ang pagiging sadista nito, sa loob ng lamang ng apat na araw na pagsasama sa tinutuluyang hotel sa Malate, Maynila.

Kalaboso sa Manila Police District- Women and Children Protection Desk ang suspect na si Mustafa Al Shangiti, pansamantalang nanunuluyan sa City Garden Suites, Mabini St., Ermita, dahil sa  reklamong inihain ng isang “Gigi”, isang Pinay.

Sa ulat mula kay Chief Insp Lucile Faycho, naganap ang umano’y panghahalay simula noong Disyembre 29 hanggang nitong Enero 2, 2014 sa loob ng nasabing hotel.

Umamin naman ang biktima na naging nobyo niya na ang dayuhan mula nang makilala sa isang Shawarma house sa Malate.

Pumayag umano siyang magsama sila sa hotel na tinutuluyan nito dahil mabait naman at inakala niyang mapapangasawa upang maiahon siya sa hirap.

Nang maranasan ang pagiging sadista o pana­nakit ng dayuhan, hindi na niya umano ninais pa na pakasalan siya nito dahil sa pahirap sa kaniya sa pagtatalik nila at ‘binababoy’ umano ang kaniyang pagkababae.

“Kung anu-ano ang ipinapagawa ng suspect sa biktima at sa kagustuhan naman niya na mapaligaya yung Arabo dahil inakala niyang seseryusuhin siya kaya ginagawa niya ang anumang ipinag-uutos nito kahit sinasaktan pa siya,” ayon kay PO2 Edith Chavez, isa sa dumakip sa dayuhan.

Nakikipag-ugnayan na ang MPD sa Royal Embassy ng Saudi Arabia kaugnay sa kasong kinakaharap ng Arabo.

Show comments