MANILA, Philippines - Pitong daan pang bangkay sa Tacloban City, Leyte na biktima ng super typhoon Yolanda ang ililibing na sa ‘mass grave’.
Sinabi ni Sr. Supt. Pablito Cordeta, commander ng Task Force Cadaver, na nasa 700 bangkay na kabilang sa 1,400 naagnas na ang kondisyon ang kanilang ililibing sa susunod na 3 araw.
Una rito, umani ng mga pagbatikos sa pamahalaan ang isyu ng hindi pa naililibing na 1,400 bangkay na nakahilera sa dumping site ng Bgy. Suhi at Bgy. San Jose ng lungsod na inabot na ng tubig baha sanhi ng mga pag-ulan sa lugar nitong mga nakalipas na araw.
Ang Tacloban City ang pinakagrabeng hinagupit ng Yolanda noong Nob. 8, 2013.
Samantala, 11 pang bangkay ang nadagdag sa talaan kung saan umaabot na sa 6,166 ang death toll habang 28, 626 ang nasugatan at 1,785 pa ang nawawala.
Samantala kailangan pa ng clearing operation sa Brgy. Anibog ng lungsod dahil sa apat na malalaking barko na napadpad dito sanhi ng pagtama ng super typhoon.
Pinaniniwalaan namang maraming mga residente ang nadaganan ng naturang mga barko kabilang ang isang magkasintahan na nakatakda na sanang ikasal.
Nakaapekto naman ang bagyong Yolanda sa may 3,424,593 M o kabuuang 16,078 ,181 katao mula sa 12,139 Barangay sa 591 bayan, 57 lungsod sa Regions IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, X, XI at Caraga.
Naitala sa mahigit P37 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura.